"May our hearts grow closer as we are to be apart again."





May bahagi sa aking pagkatao ang hindi makaalpas sa nakaraan. Mga alaalang di maibaon sa limot. Yung sobrang saya at syempre yung lagi nyang kasama, yung sobrang sakit. Pagkatapos kasi ng isang relasyon saka mo masasabi kung totoo o hindi at kung mababaw o malalim ang namagitan sa inyo.
Noong bata pa ako ang kinatatakutan ko yung mga nagpaparamdam sa tuwing mag-isa na ako sa kwarto at malapit ng matulog sa gabi. Pero ngayon, iisa ang kinatatakutan ko. Ang multo ng nakaraan. 

Mas nakakatakot. Mas masahol pa kesa nung bata pa ako. Alam mo yung pakiramdamdam nung nasa estado pa kayo ng ligawan, sa bawat pagpikit mo siya ang nakikita mo at guguhit ang ngiti sa mga labi mo. Pero ngayon kakaiba, yung laging kasama ng ngiti ang nararamdaman ko. Na sa bawat pagpikit ko, sobrang pait ang kapalit. Yung tipong tatlong kutsarang kapeng barako ang nilagay sa isang tasa ng kumukulong tubig. 

Nagkrus ang landas natin nung mga panahon na malapit na akong sumuko. Ilang taon akong binabayo ng malalakas na unos pero dumating ka at niyakap mo ako nung gusto ko ng huminto ang pag-ikot ng sarili kong orasan. Tinuruan mo akong magtiwalang muli. At muli mo akong binigyan ng tulay na tatawirin na kasama ka.

Hindi ko napansin. Hindi ko rin alam kung mabilis ba o mabagal ang mga araw na dumaan. hindi katulad ng dati, alam ko agad sa bawat pagtapos ng isang relasyon kung paano ito dumaan sa buhay ko. Iba yung sayo. Ibang-iba. At higit sa lahat ikaw lang ang yumanig sa tahimik kong mga gabi. Ikaw lang ang naihambing ko sa kinatatakutan ko nung bata pa ako. Ikaw ang pumalit na multo sa bawat pagpanaw ng araw. 

Ngunit, itinatak ko sa isip ko. Nalagpasan ko ang multo nung bata pa ako. Hindi ko na maalala kung paano nawala, pero ang sigurado ako na sa bawat pagdaan ng araw unti-unti kang maglalaho. Hindi biglaan dahil hindi naman ako nagmamadali. Alam kong hindi madali dahil di naman ako sanay sa biglaan. Kilala mo ako sa pagkakaalam ko. Ayaw ko ng biglaan gusto ko planado.

Hindi ako titigil magmahal. Hinding hindi ko pagbabawalan ang sarili ko na magmahal muli. Ang pag-ibig ay hindi dapat sinusukuan, dahil kailanman hindi ka susukuan ng pag-ibig. Ang tao lang ang sumusuko hindi ang puso. Pinili kong maramdaman at maiparamdam ang pagmamahal dahil alam ko na hindi lahat ng tao ay makakaranas ng magmahal at mahalin kahit kaakibat man nito ay pait at pasakit. Hindi ito pribilehiyo, ito ay karapatan na regalo sa atin ng maylalang.






0 comments :

Hanapan ang Blog na Ito