Bagwis ng Alak




Masamang panahon ay nangangalit
Wari bang isang anitong nagpupuyos sa galit
Mga saynboard naghubara't naglundagan
Pati bubungan napilitang sumali sa laban

Ligalig ang buong Maynila
Maging magdyowa tumigil sa ginagawa
Ngunit parang isang himala
Sa loob ng tambayan alak ang bumabaha

"Abra, Tagayin mo na!" 

Musika sa pandinig
Sa bawat ikot ang pambulabog

Di' baleng tumagal sa suso
Wag lang sa baso
Isang himig na salat
Sa tuwing inuman ay sikat

Sumasabay sa bagsik ng baha
Ang pumapalatak na birit ng barkada

Kasunod ng kanyang paghawak
Sa basong laman ay kalahating alak

Nag-aatubili, Di mapakali
Sa kanyang mag-ina ang isip nakawaksi

Tumungga ng mabilisan
Mag-ina'y sa hangin kinalimutan
Binaba ang baso sa kamay
Sinundan ng paglunok ng laway

Rumaragasang tubig na walang pinalagpas
Maging mga poste ng meralco'y walang binatbat
Telebisyon, itim na ang palabas
Radyo nama'y napipi na't namalat

Umiingit

Umaangat

Mga yerong pilit
Binubuklat

Pinalipas ang magdamag
Sa barkada nakipagniig

Walang kaalam-alam
Hungkag na Abraham
Mag-inang`nanangis
Sawing ilog ang nagwasiwas

Lumabas ang haring araw
Hudyat ng pagtarak ng balaraw
Mga iyak na pumapalahaw
Di pinalagpas maging mga dugong bughaw

Buong Maynila kinawawa
Nang lampas-taong baha
Mga kotseng tumirik
Sa Manila Bay nakisiksik

Si Abraham na pabaya
Mala-rebultong nakatanga
Bahay sa ilalim ng tulay
Sa isipan na lang binubuhay

Mainit na kape ang bitbit
Kapares ay makunat na biskwit
Umiiyak na sumisilip
Sa mag-inang habambuhay ng maiidlip

0 comments :

Hanapan ang Blog na Ito