Ang Dagat




Kaibigan ko ang dagat. Halos 3 beses sa isang linggo ako pumupunta sa baywalk o kaya naman sa seaside sa MOA. Mag-iisang buwan na rin yata ganito ang ginagawa ko. Nakakamiss kasi ang probinsya. Jogging lang ng 30 minutes nasa dagat kana, Ganun kalapit ang dagat sa amin. Pero dito sa manila halos isang oras depende pa sa trapik. Pero kapag nakaupo na ako sa sea wall kahit anong ingay ng mga tao sa paligid, kahit may mangilan-ngilang lumulutang na mga basura eh ayos lang. Hindi ko alam kung bakit ansarap sa pakiramdam kapag malapit ako sa dagat. Naalala ko dati kapag naliligo kami sa dagat ng magbabarkada, isa ako sa may pinakamahabang buhok sa tropa. Isang malaking problema ang pagtanggal ng buhangin sa anit pagkatapos maligo sa dagat, ngayon siguro kung maliligo ako wala na akong magiging problema, napakakinis na ng ulo ko, hawig ko na si Bembol Roco. Hahaha! Kelangan ko kasing dugtungan pa ng konti ang buhay ko. Marami pa akong gustong gawin at hiniling din ito sa akin ng anak ko, kaya eto kalbo muna. 3/100,000 ang risk ng pagkakaroon ng ganitong karamdaman. Well 3% to 5% ang chances of living more than 5 years and 1% chance naman sa hinihiling naming miracle Well the rest of percentage is 2 to 3 years. Pero last time na sinabi sa akin ng doctor ay maswerte daw ako, sobrang bagal kasi ang pagmultiply ng cancer cells. Maswerte pa ako niyan sa lagay na yan. Hahaha! Kung aabot ako ng 5 years at regular ang chemo siguradong hindi lang ako ang maghihirap pati na rin ang family ko. Buti na lang may mga organizations local and international ang mga tumutulong. Ang nakakatuwa pala sa may ganitong karamdaman ay malaki ang chance mong makarating sa Amerika ng walang kahirap-hirap, 2 na ang offer para sa mga clinical trials... In short Lab rat. Pang-araw-araw na gastos lang daw ang kelangan. Well unang-una sa lahat wala sa pangarap ko ang lumabas ng bansa. Lalo naman ang maging lab rat. Tinawagan ako ng doctor ko last week, isa siya sa mga nagpipilit sa akin kasi daw "very promising" daw ang mga results sa mga tests ko. Wow! very promising talaga. hahaha! Hindi ko alam kung anong makukuha niya kapag napa-oo nya ako. Pero napapaisip din ako kasi malaki ang matitipid namin kung kakagatin ko ang offer. Sa daily meds at sa chemo magiging free. Eh di wow di ba.

Balik tayo sa dagat. Kanina, sinamahan ako ng bestfriend ko na med student napili ko sa baywalk kami pumunta kasi kwentuhan ng mga tao dito eh malapit ng buksan ulit ang mga bars dito, may nightlife na ulit along baywalk. Kaya mag-iingay na agad dito pagsapit ng alas-5 ng hapon araw-araw. Suki ako dati sa mga bar dito nung mayor pa si Atienza, ng pumalit si Mayor Lim dati pinatanggal ang lahat ng bar dito. Well, marami kaming napag-usapan kanina tungkol sa buhay-buhay ng bawat isa. Nang dumating sa lovelife ko ang topic kahit anong iwas ko ay nasukol pa rin niya ako, Palibhasa kilala niya ako mula ulo hanggang sa mga libag ko. I don't know... Hindi ko talaga kayang ikwento ang real reason kung bakit kami nagkahiwalay. I always tell them na ako ang may malaking pagkakasala which is true. kahit na sometimes eh yung rage ko lumalabas paminsan-minsan pero napapalitan pa rin ng ngiti afterwards lalo na pag masasayang alaala na ang pumapalit. She asked me paano kung balikan ka niya? Napatigil ako. Hindi ako agad nakasagot. Eto sa pagkakaalala ko ang sinagot ko kanina, Yung mommy nga ng anak ko lumuhod na at nakipagbalikan hindi lang isang beses kundi tatlo pa. Di ko na tinanggap. Kapag naghiwalay na, wala ng balikan. Yup, yung huli kong naging girlfriend ang masasabi kong totoo. My greatest love ko nga daw sabi ng bestfriend ko. Kinulit nya ulit ako, Ano daw ang dahilan ko kung bakit ayaw ko na kung mahal mo pa siya. Ang sagot ko, once na nagdecide na ang taong makipaghiwalay sa'yo meaning tinanggal ka na niya sa buhay nya, sa mga plano niya sa future niya ay wala ka na. Kung makikipagbalikan ako, wala na ring patutunguhan ang relasyon hindi magtatagal ay maghihiwalay din kayo. Kinulit nya ulit ako. Baka naman kasi bata pa siya kaya ganun-ganun na lang siya magdesisyon. Inaamin ko, bago ko pa lang pinasok ang relasyon na to ay pinagsabihan ko na ang sarili ko na hahabaan ko ang pasensya ko dahil nga bata pa siya. Pero may hangganan pala talaga ang lahat. Ipinagdarasal ko na lang na sana makatulong ang mga nangyari sa amin sa experience nya para mas lalong maging mature ang mga desisyong gagawin nya sa mga susunod. For me kasi bago ako nagdedecide sa mga bagay-bagay lalo na kung mahalaga sa akin ang tao, tinitingnan ko ang lahat ng anggulo, kaliwa't kanan, likod at harap at yung kasalanan at kung bakit niya ginawa ang isang bagay. I end-up pa rin na sinisisi ko ang sarili ko kesa sa kanya. Ganun yata talaga ang pagmamahal. Laughtrip nga yung roadtrip namin last July ihahatid ko lang siya sa Fairview but we ended up sa Pangasinan. Hahaha! Madami kaming plano habang nasa daan, pagselosin daw namin, kausapin ko daw, linawin ko daw ang lahat and we decided na gawin yung nauna. Pero ako na rin ang umayaw, ayoko ng guluhin ang buhay niya. 4hrs sleep lang sa hotel malapit sa kanila and before lunch umalis na kami. Naghanap kami ng kambingan sa daan para mananghalian, di namin alam na yung sinampalukang kambing pala sa Pangasinan ay ulo ng kambing ang ihahain sa amin. Hindi rin namin nakain nakakahiya namang ibalik kaya nag-order na lang kami ulit ng kaldereta.

Habang tinatayp ko ito napaisip ako sa totoo kong dahilan kung bakit ayaw ko na kahit kung bibigyan man ng pagkakataon. Oo nga mahal ko pa rin siya, pero ayaw ko na siyang idamay sa kung ano man ang pinagdadaanan ko ngayon at higit sa lahat yung sumpaan naming dalawa hindi lang isa kundi ilang beses tungkol sa bagay na iyon. Para kasi sa akin, yun ang pinakasagrado sa isang totoong relasyon. Alam niya ang mga dahilan ko kung bakit napakaimportante ng bagay na yun sa akin. Sabi nga nila, iba't iba ang mga lalaki. May kanya-kanyang paninindigan. sobra nga ang bilib ko sa isa kong katrabaho dati, yung di ko kayang gawin halos monthly niya ginagawa. Iniiyak na lang daw niya pag mag-isa na siya. Pero para sa akin hindi na pagmamahal ang nararamdaman niya para sa gelpren nya.

Mapalad ako dahil nakilala ko siya. Naiparamdam ko sa kanya ang pagmamahal ng isang taong totoong nagmamahal hindi labis hindi kulang. May mga pagkakamali man ako at pagkukulang pero kuntento ako at kaya kong ipagmalaki na wala akong ibang minahal ng ganito, siya lang. And at last... Naging faithful ako sa iisang babae sa loob ng dalawang taon. Alam kong naghihirap ang kalooban niya. Alam ko ring marami din siyang pinagsisihan. Ipagdarasal ko na lang na sana'y maging masaya siya at matupad ang lahat ng kanyang pangarap.

"Wala na akong sama ng loob sa'yo. Mayroon man akong panghihinayang pero sapat na sa akin na kuntento na ako sa naging estado ng relasyon natin. Nasanay ko na ang sarili kong wala ka sa buhay. Eksaktong isandaang(100) araw na wala ka na sa sistema ko, nakaya ko na. Hindi man ako masaya pero kuntento na. Sana ganun ka rin. Kung kelangan mo ng kausap at wala kang mahanap na iba, ipikit mo lang ang mga mata mo, isipin mo ang lang ang lahat ng masasayang bagay na nangyari sa buhay mo. Kalimutan mo ang mga hindi magagandang bagay at pangyayari. Huwag kang manghinayang sa mga bagay na di mo nagawa at nakuha bagkus magpasalamat ka sa mga masasayang nangyari at sa kung anong meron ka. Hindi man tayo mahilig magdasal pero subukan mong lumapit sa Kanya paminsan-minsan, bibigyan ka Niya ng kapayapaan. I may not live long enough para makita ang mga tagumpay mo sa buhay pero sigurado ako na magtatagumpay ka. Bumuo ka ng pamilya kapag sa palagay mo kaya na ng pamilya mo na tumayo sa sarili nila at natulungan mo na ang mga kapatid mo. Sabi ko nga sa'yo lagi ko kayong pinagdarasal. Ipagpapatuloy ko ang pagsulat sa blog na ito hangga't kaya ko pa. Hinihiling ko lang na kung magkikita man tayong muli na sana'y hayaan natin ang tadhana na pagtagpuin tayo ng di sinasadya. Aja! Fighting!"


0 comments :

Hanapan ang Blog na Ito