Notifications





Buzzzzzzz... Buzzzzzzz... Buzz... Buzz.. buzzzzzz..
Bigla akong naalimpungatan dahil sa notification alert ng cellphone ko, nagulat ako dahil madilim na at napakatahimik ng kapaligiran maliban sa mangilan-ngilang tunog ng sasakyan sa di kalayuan. Ala una na pala ng madaling araw, kanina lang alas kwatro ng hapon ang huli kong sulyap sa wall clock bago ako nakatulog, sarado na ang tv bukas na rin ang mga ilaw, andiyan na yata ang kasama ko sa bahay. Naramdaman kong kumalam ang sikmura kaya agad akong tumayo at dumiretso sa kusina. Malayo pa lang ako nasulyapan ko na ang nasa lamesa, paper carton ng Jolibee. Dati excited ako basta makakita ng Jolibee, Kumukuti-kutitap na ang mga mata ko. Magsimula pagkabata adik na talaga ako sa Chicken Joy. Pero nitong mga nakaraang buwan bigla na lang akong nawalan ng gana sa kahit anong pagkain mula sa Jolibee, naalala ko kasi ang huling fastfood na kinainan namin bago kami naghiwalay ng landas. Jolibee-Bonifacio, sa pagkakatanda ko nagbrown-out pa nun. Huling gabi naming magkasama, huling beses naming sabay kumain.

Hindi ko pinansin ang nasa mesa at di ko rin gustong tingan kung anong nasa loob nito, dumiretso ako sa ref at umaasang matagpuan ko ang natirang chicken adobo kaninang tanghali. Pero wala na. Uminom na lang muna ako ng tubig. kumuha na rin ako ng dalawang itlog, dalawang kamatis at isang maliit na sibuyas. Ginisa ko na muna ang kamatis at sibuyas bago nilagay ang binateng itlog. Kung sa karamihan ang Ala-una ng madaling araw ay nasa kasarapan na ng tulog. Ang sa akin ay kabaligtaran, ito pa lang ang simula ng mahabang araw ko. Bago ako kumain ay inilagay ko muna ang Jolibee sa ref, Para naman sa itlog lang nakatutok ang atensyon ko.

Sa gilid kami ng glass window umupo, malapit na ring magsarado ng mga oras na yun. Dalawang C1(hot n' spicy ang isa), 2 extra gravy, 2 extra rice at isang cheeseburger. Konti na lang ang mga kasama naming kumakain, naglilinis na rin ang mga food crew, tinitigan ko siya habang kumakain. Alam kong pareho kami ng nararamdaman ng mga oras na yun, mabigat pareho ang loob namin dahil maghihiwalay na kami, bababa na ako ng Maynila at siya naman ay uuwi na sa kanilang probinsya. Napakalungkot ng mga mata niya, sa tuwing magtatama ang mga mata namin awtomatikong umiiwas ang mga mata ko dahil gusto ng magpaunahan pumatak ang mga luha ko. Ayaw ko siyang iwan. Mahigit isang taon ko siyang pinilit na sumama na sa akin pagbaba pero may responsibilidad pa siya sa kaniyang pamilya kaya iginagalang ko ang desisyon niya. Ramdam ko ng mga oras na iyon na ito na ang huli naming magkasamang kumain at ito na rin ang gabi ng huli naming pagkikita. Napakadilim ng labas ng fastfood walang kuryente ang buong sentro ng Baguio ng gabing iyon pati kuryente nakisimpatya sa nararamdaman ko.

Bumuhos na naman ang malakas na ulan, ilang linggo ng parang inuupahan ang ulan. Marami na namang baha sa mabababang lugar sa Metro Manila, trapik na naman sigurado ang pagpunta ko mamaya sa Baywalk. Naghuhugas na ako ng pinggan ng bigla kong maalala ang cellphone ko, may notification nga pala. Umupo ako sa sofa na malapit sa bintana at kinuha ang cellphone. Biglang nawalan ng kuryente at ang tanging maliwanag lang ay ang ilaw ng cellphone ko at tuluyan ng pumatak ang mga luha ko ng makita ko ang laman nito. Kahit kailan di nakalimot ang cellphone ko na ipaalala sa akin ang pinakaimportanteng araw ko sa bawat buwan. Madilim ang paligid, pati kuryente nakikisimpatya sa nararamdaman ko.

0 comments :

Hanapan ang Blog na Ito