Ang Kulay ko ay Pula


Marami-rami na ring mga kapwa estudyante ang naglalakad paroo't parito, ang iba'y nagmamadali para makapagreview pa bago ang kanilang pagsusulit, ang iba naman ay maagang pumapasok para tumambay sa  lagoon o sa South wing at East wing ng pangunahing gusali ng Polytechnic University of the Philippines para pagmasdan ang malawak na Ilog Pasig at ang karamihan ay sadyang maaga para umiwas sa buhol-buhol na trapiko ng Maynila. 

Sa mga araw na dito ako natutulog sa aming sinisintang paaralan, sa tuwing may aktibidad sa gabi o lingguhang pagpupulong ng samahan. Aking tulugan ay kapirasong karton o kaya nama'y sako na may pinturang "Patalsikin si Gloria!", mas masarap matulog sa maliit na tulugan at katabi mo ang mga  kasama sa pakikibaka kesa sa higaan ng burgis na walang damdamin. Gigising ako bago sumapit ang alas-syete ng umaga, kukuha ng upuan at ilalagay sa labas ng pinto ng opisina ng Catalyst (Opisyal na diaryo ng PUP), magtitimpla ng kape at magsisindi ng yosi. Tahimik akong uupo at magmamasid sa kapaligiran, habang ang suot nila'y sapatos at ako nama'y tsinelas, libro at kwaderno ang kanilang dala-dala, tangan ko nama'y ang mainit na tasa at manipis na usok ng sigarilyo. 

Noong panahon namin sa PUP lahat pwede, pwedeng magyosi sa loob ng paaralan, matulog sa mga opisina ng samahan at higit sa lahat malaya mong naipapahayag ang mga hinaing sa pamamahala ng eskwehalahan maging ng lipunan. Sa katulad naming aktibista ang aming paaralan ang tinuturing naming pugad, Kahalintulad namin ang isang Inahing ibon na tinuturuang lumipad ng matayog at malaya ang mga inakay.

Ang mga estudyanteng kanina  lamang ay pinagmamasdan ko, ngayon ako naman ang taya, mataman silang nakikinig at nakatitig sa akin. Bago magsimula ang klase pumapasok ako sa bawat kwartong walang pang titser, nakatoka ako sa ikalima at ika-anim na palapag ng west wing. Sa aking pagpasok ang mga kapwa ko estudyante ay tatahimik at magsisimulang makinig ng aking sasabihin, mga mumunting hiyas patungkol sa pakikibaka at pagpapaalam sa kanila ng sitwasyong pangkalahatan ng lipunan, sa maniwala kayo't sa hindi nakikinig sila, burgis man o kapanalig sa pakikibaka. Dahil sa kaibuturan ng kanilang damdamin ang pagpapasalamat sa aming mga aktibista ng PUP ay kulang pang ibigay ang kanilang tenga at mga mata sa sandaling oras. Ang tuition fee ay di uusad pataas kailanman hangga't ang mga humaharap sa laban, ang mga nakikibaka at ang mga iskolar ng bayan ay nagkakaisa.

Minsan nga'y sinasabi ng nakararaming burgis na isa kami sa mga radikal na grupo ng lipunan, sapagkat ang nakikita lamang nila ay walang patid ng pagsigaw sa lansangan at ang paglalaglag ng mga upuan mula sa ika-anim na palapag ng paaralan sa tuwing nagbabadya ang tuition hike, ang hindi nila alam at hindi nila nakikita ang itinataya namin para sa ikabubuti ng pangkalahatang estudyante at sa mga susunod pang henerasyon na nangangarap makapasok sa aming sinisintang paaralan. Itinataya namin ang oras, grado at higit sa lahat ang aming kinabukasan para sa inyo, ang oras na para kami ay magreview, gumawa ng proyekto o oras naming magsaya. kinalimutan naming lahat para lamang mas marami pa ang makapag-aral na isang kahig-isang tuka ang pamilya at marami pang maralitang mag-aaral ang maipagpatuloy at makapagtapos.  

Sa loob ng ilang dekadang pamamayagpag ng mga aktibistang sama-samang nakikibaka para sa karapatan ng lahat na tinaguriang iskolar ng bayan ang labindalawang piso kada yunit ay ilang dekada ng hindi tumataas sa kabila nito patuloy na umuunlad at nadadagdagan ang pasilidad ng paaralan. Patunay dito ang aking matrikula sa unang semestre sa paaralang ito ay tumataginting na ₱417.50. Ang pinakamababang matrikula sa buong Pilipinas. Karapatan ng bawat kabataan na mag-aral ng libre upang mapaghandaan ang kanilang kinabukasan at magiging pamilya. Kailangan ng diploma ng bawat isang iskolar ng bayan upang magamit nila ito sa pakikipagtunggali sa mga buwitre at halimaw na namumuno sa pamahalaan.

Makalipas ang ilang taon Sa aking pagbabalik sa sinisintang paaralan, bumalik ang mga masasaya at malulungkot na alaala ng pakikibaka. Muli ako ay nakipaghuntahan sa mga bagong henerasyon ng mga aktibista. Nakibalita at nagmatyag sa kapaligiran. Malaki na ang pinagbago ng paaralan, marami ng dagdag na pasilidad, Hindi man kalakas tulad ng dati ang apoy ng mga pusong lumalaban sa karapatan ng lahat ng Iskolar ng Bayan ang mahalaga'y patuloy ang pagningas at pagpapanatili ng ating ideolohiya. 

Nagtanung-tanong ako kung may mga balita sa mga dati kong kasama, lalo na sa isang babaeng may puwang sa aking puso at kasama kong nakipaglaban, nakibaka, nagmartsa sa lansangan at kasabay kong sumigaw ng mga katagang "Iskolar ng bayan! Ngayon ay lumalaban!" Ang kasa-kasama ko sa pagtuturo ng MKLRP sa baguhang aktibista, ang babaeng nag-udyok sa akin na imbes na katakutan ay turuan ko ang mga preso patungkol sa lipunang kanilang ginagalawan, ginamit ko ang mga rehas sa pagtalakay ng Tatsulok noong ako ay nakulong ng ilang araw dahil sa pakikibaka. Nakakalungkot isipin na siya ay pumanaw na. Nasawi siya sa isang engkwentro sa kanayunan habang nakikipamuhay sa maralitang mamamayan. Ako ay nangingimbulo't naiinggit sapagkat namatay ka ng nakikipaglaban sa rebolusyon ng mga anak ng bayan. Humihingi ako ng paumanhin pagkat hindi ko man naipagpatuloy ang sinimulan nating adhikain, ngunit kung ako'y iyong bubuksan sa puso't isip, hindi pa rin ako nagbabago at lagi mong makikita na...... Ang kulay ko ay pula.

Huli man itong parangal na ibibigay ko sa'yo. Nawa'y pakinggan mo kung saan ka man naroroon ang dalawang kantang paborito mo. Ito ay para sa'yo Ka Layang.



Rosas Ng Digma – Musikang Bayan

Sumibol sa isang panahong marahas
Bawat pagsubok ay iyong hinarap
At hangga’t laya’y di pa nakakamtan
Buhay mo’y laging laan

Namumukadkad at puno ng sigla
Tulad mo’y rosas sa hardin ng digma
At di maiwasang sa’yo ay humanga
Ang tulad kong mandirigma

(Refrain)
Ako’y nangangarap na ika’y makasama
Taglay ang pangakong iingatan kita
Ang ganda mong nahubog sa piling ng masa
Hinding hindi kukupas, di malalanta

Ang kulay mong angkin, sintingkad ng dugo
Nagbibigay-buhay sa bawat puso
Tinik mo’y sagisag ng tapang at giting
Sa langara’y kislap ng bituin

(Refrain) 2x
Ako’y nangangarap na ika’y makasama
Taglay ang pangakong iingatan kita
Ang ganda mong nahubog sa piling ng masa
Hinding hindi kukupas, di malalanta

Gaya ng pag-ibig na alay ko sinta



Ang Tugon Rosas Ng Digma – Musikang Bayan

Ika’y paru-parong nangahas lumipad
Sa dilim ng gabi, pilit na umalpas
Pagkat hanap mo’y ningning at laya ng bukas
Sa aking mundo’y napadpad

Tulad ng iba ay nagmamahal din
Kahit malayo ay liliparin
Upang pag-ibig mo’y iparating
Sa rosas ng ‘yong paningin

Refrain
Ako’y nagagalak at tayo’y magkasama
Sa bawat pangarap
Sa piling ng masa
Magkahawak kamay
Sa pakikidigma
Para sa isang lipunang malaya

at kung mayroong unos at bagyong dumating
ang tatag ng pag-ibig nati’y subikin
sa isat-isa hindi iiwanan
digma’y ipagtatagumpay

Refrain (2x)
Ako’y nagagalak at tayo’y magkasama
Sa bawat pangarap
Sa piling ng masa
Magkahawak kamay
Sa pakikidigma
Para sa isang lipunang malaya

At isang pag-ibig
tunay at dakila








*isa sa makukulay na yugto ng aking buhay, isa ito sa mga humubog ng aking pagkatao.


0 comments :

Hanapan ang Blog na Ito