Bubot

 Ito ang unang labas ng To All The Girls I've Loved Before You Series na hango sa mga pangyayari sa buhay ko, POV ko sa mga pinasok kong relasyon at patungkol ito sa mga babaeng nagpatibok ng puso kong mapaglaro at gahaman sa pagmamahal.




Natatandaan mo pa ba ako? Walong taon ako noon at ikaw naman ay anim. Lagi kitang nakikitang nagbibisekleta sa kalsada tuwing bakasyon. Hindi ko makakalimutan ang unang tumawag ng aking pansin, ang mapupula mong pisngi at ang mahaba't kulot mong buhok. Nakaabang na kami ng dalawa ko pang kalaro tuwing hapon, inaabangan ang pagdaan ng mga bisikleta ninyo. Tatlo din kayo laging magkakasama, ikaw, yung pinsan mo at ang yung bestfriend mo. Nung mga una ay tuksuhan lang ngunit di nagtagal nagsimula na tayong magsulatan. Nakakatawa nga, hindi natin ito naikubli sa ating mga magulang. Hindi sila nagalit, kabaligtaran pa nga nito ang nangyari. Pinagkasundo tayong dalawa ng mga nanay natin nung patay ang lola mo, naglalaro tayo nun sa puno ng bayabas sa bakuran ng bahay ng pinsan mo, bigla na lang tayong tinawag at pinapasok para lang sabihin na pinagkasundo na daw tayong dalawa. Tuloy ang kilig ng puppy love natin, ilang taon din ang dumaan. Tuwing darating ang kapistahan lagi na tayong magkasabay sa prusisyon, minsan pa nga'y nagpapahuli tayo sa paglakad para lang makapitan ko ang mga kamay mo. Ngunit nauna akong pumasok sa puberty period dahil nga mas matanda ako sayo ng dalawang taon. Di na kita pinansin at nagkaroon ng bagong mundo ng tumuntong ako ng hayskul.

Gabi ng kapistahan sa barangay natin. Pareho tayong nasa sayawan. 4th year highschool na ako at ikaw naman ay 2nd year highschool na. Nakita kitang walang humpay na pinupuntahan ng mga kabinataan at nagbabakasakaling maisayaw ka, napakaganda mo pa rin lalo na ng gabing iyon. Hawig mo si Santa Veronica. Bagay na bagay sa'yo ang kulot mong buhok sabayan pa ng mapilantik na pilik-mata at ang maputi mong mong balat. Bigla akong nagulat ng tumingin ka sa kinaroroonan namin, alam kong sa akin nakatutok ang mga mata mo kahit na ang mga ilaw ay patay-sindi, wala rin akong nakitang emosyon sa mukha mo, blangko ang pagkakatitig mo sa akin kaya nagdalawang-isip ako na lapitan ka, alam kong nakita mo kami kanina ng girlfriend ko na sumasayaw, hindi lang ikaw ang nagmamasid sa akin maging ako ay hindi ko mapigilang pagmasdan ka. Dalaga ka na ngayon, hindi tulad ng dati noong mga bata pa tayo.

Tumugtog ang sweet na awitin. Kanya-kanya ulit sa paghahanap ang mga kabinataan ng mga dalagang isasayaw. Dala na rin siguro ng tama ng alak, naglakas-loob akong lapitan ka.

"Pwede ba kitang isayaw?" inilapit ko ang bibig ko sa mga tenga mo para marinig mo ang sinasabi ko dahil napakalakas ng tugtog na nagmumula sa nakapalibot na higanteng mga speakers sa barangay hall. Nasamyo ko rin ang matamis na pabangong gamit mo.

"Baka magalit si Diana." Nag-aalangan mong sagot.

"Hinatid ko na siya kanina pa." Pagsisigurado ko sa kanya.

At walang anu-ano ay kinapitan mo na ang nakalahad kong kamay. Inakay kita papunta sa gitna ng sayawan at nagsimula ng sabay na umindayog ang ating mga katawan sa malamyos na tunog ng musika.

Andami mong tanong habang sumasayaw tayo, Lahat patungkol sa bagong girlfriend ko. Pero pinigilan kitang magsalita, ang sabi ko sayo ay huwag mo siyang isipin. Inihilig mo ang ulo mo sa aking balikat, nagulat ako at napangiti. Tatlong kanta bago kita pinakawalan sa mga bisig ko. Hindi na natin tinapos ang sayawan, sumama kayo sa bahay, tinuloy namin ang inuman na kasama kayo. Hindi kita pinainom ng gabing iyon dahil ipinaalam kita sa tita mo bago tayo umalis ng sayawan. Nang mga lasing na ang mga kaibigan natin, umakyat tayo sa terasa at nag-usap. Napakaganda ng gabi at napakaliwanag ng buwan.

"Alam mo bang matagal ko ng gustong makaakyat dito sa terrace ninyo. Ang ganda kasing tingnan sa labas. Ang ganda pala talaga kahit sa gabi."

"May terrace din naman kayo ah, maganda rin naman ang bahay ninyo. Two-storey din." Natatawa kong sagot.

"Hindi ko alam pero nakakaakit tumambay dito." Di naaalis ang pagkangiti mo ng mga oras na yun.

Masaya tayong dalawa habang pinag-uusapan ang nakaraan. Yung kulitan natin, yung mga sulat, yung mga panahong tatambay lang ako sa tindahan ninyo para makita ka at makausap ng matagal.

"Ang sarap balikan noh." ang nakangiti kong sambit habang nakatingin sa maliwanag na kalangitan.

"Bakit hindi? Ikaw lang naman ang nakalimot." malungkot mong ani.

Hindi ako nakapagsalita agad sa halip kinabig kita at niyakap.

"Bakit mo ako kinalimutan? Bakit ka lumayo? Alam mo bang mahal na mahal pa rin kita hanggang ngayon." garalgal na ang boses mo, alam kong humihikbi ka na kahit pilit mong itago.

Inangat ko ang mukha mo at tinanong kita. "Gusto mo bang ibalik natin ang dati?"

Pumapatak na ang mga luha mo ng sumagot ka. "May girlfriend ka na. Kawawa naman siya."

"Gagawan ko ng paraan. Ako ang bahala, bigyan mo lang ako ng konting panahon, hihiwalayan ko siya." Paniniguro ko.

"Mahal mo pa rin ba ako hanggang ngayon?" mahina mong tanong.

"Oo naman, ikaw pa rin naman ang laman nito." sabay turo ko sa puso ko.

Pinahid ko ang mga luha mo at dahan-dahan kitang hinalikan. Napakalambot ng mga labi mo. Walang pagtutol ngunit walang munting galaw ng pagtanggap.

"Pasensya ka na. Unang halik ko to, di pa ako marunong." At nahihiya kang yumuko.

Napapalatak ako sa pagtawa. At niyakap kita ng mahigpit.

Unang karanasan kong mamangka sa dalawang ilog ng sabay. Paglalabas ako ng kalsada hindi ko alam kung kakaliwa ba ako o kakanan. Sa palagay ko halos parehong kalahating kilometro ang layo nila sa bahay namin. Yung isa sa kanan at yung bahay niyo naman ay sa kaliwa. Yung nasa kanan, kaklase ko siya at dahil doon araw-araw kaming magkasama, samantalang tayong dalawa ay paminsan-minsan lang akong dumadalaw sa inyo, magkaiba kasi ang paaralan nating dalawa. Ngunit ikaw ang lagi ng kasama ko at sumusuporta sa tuwing may laro kami sa volleyball, kahit saang barangay ang laban andiyan ka sa tabi ko, tagatali ng mahaba kong buhok at taga-punas ng pawis. Di ka rin mapigilan sa pagsigaw kapag ako ay nakakascore, ikaw ang cheerleader ko.

Sumapit ang Summer Youth Camp ng taong iyon, pareho kayong dalawang hindi sporty. Pero dahil pamangkin ka ng kapitan ng barangay, nakasama ka pa rin sa camp. Isang linggong sports camping sa isang malaking dalampasigan. Kasali ang lahat ng barangay sa buong bayan. Dalawa ang sinalihan kong sports nun. Volleyball at Billiards. 1st runner-up kami sa volleyball. At ikaw ang inspirasyon ko kung bakit ako nagkampeon sa billiards, lagi kang andiyan para suportahan ako. Wala akong pakialam sa premyo ng palaro, sa ipinagako mong premyo nakatutok ang atensyon ko, kaya kahit anong galing ng kalaban lahat ko pinataob dahil sa'yo.

Isa sa masasayang araw natin ang camping na yun. Kilig na kilig ako sa mensahe mo habang pumailanlang sa ere, sa tuwing hapon kasi at kapag tapos na ang mga palaro may DJ na nagpapatugtog at nagbabasa ng mga request na maririnig sa buong camp. Kaya naman grabe ang sigawan ng mga kaibigan natin ng binasa na ang mensahe mo. 24/7 tayong magkasama.  Nakahiwalay ang mga tent natin sa Base Tent ng barangay, kapag tahimik na ang lahat lilipat ka sa tent ko kaya naman lagi tayong magkatabi kahit sa pagtulog . Gigising tayo ng alas-singko ng umaga para makapag-almusal ng maaga at para walang makakita sa'yo na sa akin ka natulog. Naglalakad tayo sa buhanginan na magkahawak-kamay after kumain at sa hapon naman ay sabay-sabay tayong maliligo sa dagat. Sabi mo pa nga sa akin wala ka ng mahihiling pa ng mga oras na iyon.

Alam mong hindi ko pa rin siya hinihiwalayan. Pero dahil sa pagmamahal mo nagbulag-bulagan ka. Napakaliit lang ng barangay kaya marami kang naririnig. Pero binalewala mo lahat iyon. Doon nagsimula ang pagkakaroon ko ng label na pagiging babaero sa lugar natin. Hindi ako gwapo alam ko yun pero di ko rin maikakaila na lapitin ako ng mga babae. Palikero kasi ako, madaldal at palakaibigan. Idagdag mo pa ang angat naming katayuan sa buhay, kaya siguro ganun na lang ang magnet ko sa mga babae.

Alam ng mga magulang at mga kapatid ko na dalawa ang girlfriend ko. Dalawa kasi silang pumupunta sa bahay. May schedule sila. Pinapagalitan nga ako ng nanay ko, minsan pa nga ay pinagtatakpan niya ako. Dalawa ko kayong iniwan ng lumuwas ako upang mag-aral ng kolehiyo sa PUP. Isang beses sa isang buwan ako umuuwi sa probinsya. Sa hapon, siya ang pumupunta sa bahay at ikaw naman sa gabi. Naalala mo pa ba ng magkulong tayo sa kwartong dalawa,  eksakto kasing kasabay kong umuwi ang panganay kong kapatid, ang mga magulang ko naman ay walang pakialam sa kung ano man ang ginagawa natin sa kwarto, napakaluwag nila sa akin basta pinagsasabihan lang tayo na alamin ang limitasyon. Ngunit ang panganay kong kapatid ay hindi pwede sa kanya ang bagay na ito, kaya halos gibain niya ang pinto ng kwarto ko sa kakakatok. Hanggang sa hapag-kainan ay pinagsabihan tayo ng kapatid ko habang kumakain ng hapunan, tango lang tayo ng tango. At ng hinatid na kita sa inyo tawa tayo ng tawa habang naglalakad.

Sem-break namin sa unang taon ko sa kolehiyo. Napaaga ang punta mo sa bahay dahil gusto mo akong sorpresahin, paglabas mo ng klase dumiretso ka na sa bahay. Nang dumating ka ay nagdidilig ng orchids ang nanay ko, hindi niya alam ang isasagot sa'yo ng tinanong mo siya kung nasaan ako. Nasa bahay pa kasi yung isa. Wala ng nagawa ang nanay ko kundi sabihing nasa kusina ako dahil parehong malakas ang tawa namin ng kasama ko. Kumakain kami ng pancit canton sa kusina habang nanonood ng UAAP Volleyball sa Studio 23. Nang bigla kang bumungad sa pinto, parang tumigil ang mundo ko. Napahinto ka sa pagpasok. Tumititig ka sa amin at ang kasama ko naman ay nakatingin rin sa'yo. Nagpaunahan sa pagpatak ang mga luha mo, tumalikod ka at nagmamadaling umalis. Hinabol kita, sa kalsada na kita inabutan. Wala akong masabi sayo kundi sorry. Niyakap kita ng mahigpit habang umiiyak ka, wala tayong pakialam nun kahit maraming nakatingin at nanonood ng eksena nating dalawa. Wala akong narinig na kahit anong salita sa'yo. Kumalas ka sa pagkakayakap at tumuloy sa paglalakad. Wala na akong nagawa kundi bumalik sa bahay. Alam na rin pala niya na dalawa kayo sa buhay ko, ayaw lang din niya akong komprontahin. Pareho kayong di na lang umimik at ayaw ng pag-usapan. Dalawang babaeng martyr at nagpapakatanga sa isang tulad ko. Feeling ko sobrang haba ng buhok ko ng mga panahon na iyon.

Lumayas ako ng bahay ng sem-break na iyon. Nasigawan kasi ako ng tatay ko sa maraming tao, iyon ang pinakaayaw ko sa lahat. Ang ipahiya ako sa harap ng maraming tao. Katulong ko ang bestfriend mo sa paglayas ko. Itinapon ko ang bag ko sa terrace at siya ang kumuha. Nauna na niyang dinala ang bag ko sa bahay ng kaibigan ko. Pero natunugan ng nanay ko ang paglalayas ko, sumunod siya paglabas ko ng bahay, buti na lang may tricycle agad ang dumaan sa kalsada at nakasakay agad ako. Pinili kong iparinig sa nanay ko na sa terminal ng bus ako pupunta ngunit ng makalayo ng konti ang tricycle ay sinabi ko na ang tamang destinasyon sa driver.

Ikaw ang kasama ko sa plano kong paglalayas, ikaw lang ang nakakaintindi sa akin. 5 araw akong namalagi sa bahay ng kaibigan ko at sa tuwing lunch break at uwian mo sa klase ay pinupuntahan mo ako. Ramdam na ramdam ko ang sobrang pagmamahal mo. Ikaw ang karamay ko sa pagrerebelde ko. Ang hindi ko alam nakarating na pala sa Maynila ang tatay ko sa paghahanap sa akin dahil nga ang alam ng nanay ko ay sa Terminal ng bus ako pumunta. Ngunit ng hindi niya ako matagpuan sa bahay namin sa Maynila ay agad siyang bumalik ng probinsiya. Ikalimang araw ko sa paglalayas magkausap tayo sa may kalsada sa labas ng tirahan ng kaibigan ko, hindi natin napansin ang sasakyan ng tatay ko na paparating, wala pala siyang tigil sa pag-ikot at pagpunta sa mga bahay ng mga kaklase ko ng hayskul, nawala kasi ang cellphone ko na 8210 bago ako naglayas. Sa pagbaba ng tatay ko ng sasakyan kinabahan ako, akala ko ay gugulpihin ako ako o susuntukin, ngunit yakap ang sinalubong niya sa akin at siya pa ang humihingi ng tawad habang umiiyak. Wala akong nagawa dahil hindi ko kayang makita ang tatay ko na umiiyak ay pumayag na akong umuwi. Nagpasalamat siya sa tatay ng kaibigan ko sa pagkupkop sa akin ng ilang araw. Hinatid ka muna namin sa inyo at sa pag-uwi namin ay kinausap ako ng masinsinan ng mga magulang ko at nagkaayos na ang lahat. Tuloy ang buhay.

Humihingi ako ng tawad sa'yo dahil sa totoo lang ay hindi ko na matandaan kung paano tayo naghiwalay at kung ano ang naging dahilan. Kahit anong pilit kong tandaan ang nangyari sa huling mga araw ng relasyon natin ay hindi ko na maalala. Siguro dahil sa pagiging busy ko sa pagiging aktibista, O kaya naman ay mas prinayoridad ko ang isang iniwan ko rin sa probinsya. Ang tanging naalala ko lang ay tumigil na ako sa sa pagtawag at pagtext sayo. Pinutol ko ang lahat ng ugnayan nating dalawa. Maging sa pag-uwi ko ay iniiwasan kong magsalubong ang mga landas natin. Wala tayong pormal na closure.

Hinanap kita sa Facebook, nasa ibang bansa ka na pala. May isang anak pero walang asawa. Ayon sa balita ko ay di ka pinanagutan. Dumaan pa nga daw sa legal na paraan. Ang laki na ng pinagbago mo. Ang laki mo na literal. :) Dati-rati ay ikaw ang modelo ng chubby. Ansarap pa ngang pisilin ang baby fats mo noon. Nakita ko ang isang litrato mo, ang gara ng suot mo at nakapintura ang maluwang mong ngiti ngunit sa likod ng masayang litratong iyon aninag ko ang malulungkot mong mga mata. Pasensya ka na sa pagiging babaero ko dati at sa hindi ko pagpapahalaga sa pagmamahal na ibinigay mo. Hiling ko ay matagpuan mo ang lalaking magmamahal sayo ng totoo at ituturing na kanya ang anak mo.





P.S. Lahat ng sulat mo ay nakatago pa rin sa mahiwaga kong kabinet sa probinsiya.







0 comments :

Mag-post ng isang Komento

Cancel Reply

Hanapan ang Blog na Ito