Karera



Namimiss ko ang mga araw na ang suot mo lang ay undies at damit ko, hihiramin mo ang phone ko, maglalaro ka ng Need for Speed at magsisimula ng gumalaw ang mga kamay mo kasama na buong katawan bonus pa ang ulo sa tuwing nasa kurbada ang kotseng nilalaro mo. Ang boyish mong tingnan.

Naaalala ko ang mga araw lalo na kung tag-ulan, nakahiga lang tayo, nakahilig ang ulo mo sa braso ko at ang isa mong kamay nakapulupot sa katawan ko. Habang ako naman ay inaamoy ang buhok mong hindi gaanong mabango.

Hinahanap-hanap ng panlasa ko ang Sinigang na Manok, Inasimang Baka, Bistek ala Sab at Hawaiian Adobo. Di ko na matandaan yung ibang putahe na masasarap lalo na yung may mga sabaw. Alam niya kasing paborito ko ang may sabaw. 

Kapag nasa hagdan tayo paakyat ng kwarto natin sa ikaapat na palapag, andami nating stop-over dahil madali kang mapagod.

Yung simpleng mga bagay, kapag nasa jeep tayo akbay kita, namamalengkeng magkakapit-kamay, yung natagpuan natin ang shortcut sa gulayan ng palengke natawa lang ako dahil 5 taon ka ng namamalengke dun sabay pa nating nadiscover.

Yung Resto-hopping natin, hanap lang hanap ng masarap na pagkain.

Pero natatandaan ko rin nung maghiwalay tayo, buti ka pa sigurado kang umiiyak ako ng mga oras na yun. Ngunit ako, hindi ko naramdaman na may pumatak na luha galing sa mga mata mo o kaya makaramdam ka man lang ng panghihinayang ng gabing yun. 

Kahit gaanong bilis na ng pag-ikot ng mundo ko, meron pa palang may mas mabilis na ikot. Yung mga taong hindi takot sa radikal na pagbabago o sadyang sanay ng sumabay sa ikot at kapag nagkaroon ng pagkakataon, mag-aacelerate ka sasabayan mo pa ng pindot ng Nitro. Habang ako'y ninamnam ang mga panahon nating magkasama, ikaw nama'y milya-milya na ang layo.

Alam mo ba kung bakit ayaw ko ng lumaban ng karera na kasama ka, hindi dahil sa takot akong masaktan muli, kundi takot akong talunin kita sa karera. Ayaw kitang nakikitang nasasaktan. Ako na lang ang magpapaiwan. Ayos lang na maging bulag at mahirapan na makita ang daan kung ang alikabok naman ay galing sa'yo.











0 comments :

Hanapan ang Blog na Ito