Limbo




Matagal na akong patay.

Nakakatakot.

Tama ang binasa mo, di ko alam kung ilang ulit mong binasa o kung di man lang nagkaroon kabog sa dibdib mo. O sadyang puso mo ngayon ay bato; na kahit anong pilit mang palambutin, ilaga man ito ng ilang araw sa kumukulong tubig ay imposible na.

Namatay ako nang iwan mo ako. 
Direktang puntirya at panghuhusga.

Pero magaan basahin di ba. Hindi tulad ng naunang pangungusap na nasambit sa taas.

Maaring di ka papayag sa binasa mo o maaring tango na lamang ang simple mong itutugon. Puso mo man ay bato mas pipiliin kong subuking ang aking plano na ilaga ito. Hindi lang minuto at oras, kundi araw. Maaring isa at may posibilidad din na maging sampu, nakadepende kung gaano karaming dumi ang aalisin natin. Tama, ilalaga ko ang puso mo para maging malinis, tatanggalin natin ang lahat ng lupa na nakatapal, mga buhangin na tumitigas at mga mikrobyong banyagang nananahan sa maliliit na butas ng iyong puso.

Ngayong bumabalik ang mga bagong sigla, mga mumunting ngiti at sumisilip na sinag ng araw sa makapal at nangingitim na mga ulap sa katatapos na unos. Hindi ba't tulad ng mga nagdaang bagyo ang bagong umaga ay sisikat magsisimulang maglabasan ang mga tao, ang mga babae ay may dalang walis para linisin ang bakuran sa dami ng nagkalat na dahon, plastik at iba pang mga basurang ikinalat ng malakas na hangin. Kami naman ay itak ang tangan para tanggalin ang mga nakaharang sa daan, walang sinasanto, sinlambot man ng puno ng saging o kasintigas ng kahoy ng akasya.

Hindi man kasintaas at kasintirik ang liwanag ng araw. Hindi mo maaalis sa aking mga mata ang ngumiti at maghintay ng bagong umaga. Na sa tuwing tititig ako sa itaas ay mapipilitang mapapapikit dahil sa hatid na hapdi at sarap sa pakiramdam mula sa naglalagablab na apoy ng araw. Ngunit ito ang panahon na maging sarili ko ay tinatanong. Ako ay nasa gitna ng lahat. Hindi ko alam kung babalik ang bagyo o may hinihila ang malakas na ikot ng hangin nito ng isa pang mas malakas na bagyo. Oo nga't sumisilay na ang araw ngunit hindi maitatanggi na nagpupumilit itong umalpas sa makapal na ulap. 

Malapit ng sumapit ang gabi sa buhay ko. Kadilimang kinatatakutan ng lahat. Ngunit eto ako sa gitna. Natatakot na sa paghango ko ng batong inilaga ay maging ang parte ng buhay ko na isinilid mo sa pinakatatago mong pinto sa iyong puso ay mawala. Natatakot na sa bawat pagkumpas ng walis at pagwasiwas ng itak ay maisama sa basura ang mga memoryang sabay nating ikinalat sa mga lugar na kung saan naganap ang matatamis na nakaraan.

Lahat ng istorya ay may katapusan. Katulad rin ng simpleng sanaysay na ito. Ngunit pipiliin kong tapusin ito sa isang katanungan. Kailan matatapos ang istoryang tayong dalawa ang bida? O di kaya naman ay dahil sa maraming dahilan ng bawat isa dahil hindi na tayo iisa, ito ba ay tatapusin natin tulad ng isang sikat na awitin ng parokya ni edgar, na di alam kung saan tatapusin ang kanta kaya ganito na lang...

Bigla na lang mawawala.

0 comments :

Mag-post ng isang Komento

Cancel Reply

Hanapan ang Blog na Ito