Pagbilang ko ng tatlo. Ok na ako.


Bigla akong napabalikwas ilang alarm na din pala ang binalewala ko kanina. Alas diyes y'media na gabi lakad takbo na naman ako nito papasok ng trabaho. Ganito ako minsan pag napasarap ang tulog, palibahasa isandaang metro lang ang layo ko sa aking pinapasukang call center.

Diretso na ako agad sa banyo, sobrang lamig ng tubig ngunit sanay na ako. Tatlong buwan ng sira ang heater ko. Eksaktong ikatlong tabo ng tubig ang binuhos ko nagsabon na ako, kakain na lang ako pag breaktime ko ng alas tres ng umaga. Siguradong Minute Burger na naman lang ang laman ng tiyan ko nito mamaya.

Nagmadali na ako sa pagbanlaw, punas ng tuwalya at takbo sa kabinet. Gray na boxer ang nahugot ko at puting t-shirt na may tatak ng mukha ng agila. nakasampay ang mga pantalon ko, dalawang gamitan muna bago ako nagpapalaba ng pantalon, di ko na alam kung alin ang nagamit ko kagabi.

Bahala na.

Kinuha ko na ang pinakamalapit at sinuot ng maispatan ko ang celfon ko sa sahig, nalaglag pala kanina di ko napansin.

Umupo ako sa kama para suutin ang medyas sabay pulot na rin ng celfon. Pagbukas ko may pito akong mensahe galing sa iba't ibang tao, ngunit nakuha ng 3 mensahe mo ang atensyon ko.

Binitiwan ko saglit ang medyas na hawak, at tuloy ako sa pagbukas ng mga mensahe mo.

Tatlong mahahabang mensahe. Halatadong pinag-isipan at matagal kinompose. Mula sa puso. Para sa puso. Nilatag mo ang lahat ng sakit ng naramdaman mo sa loob ng maraming taon nating pagsasama. Kung pano ka nagsagwan mag-isa sa bangkang walang patutunguhan. Kung paano ka naging makina na walang gasolina at kung pano ako naging laruan na de-hila.

Binuod mo sa tatlong mahahabang mensahe ang labindalawang taon mong paghihirap sa piling ko. Nagmahal ka nga ng sponge ngunit sintigas naman ng bato at di man lang maka-absorb ng tubig. Nagmahal ka ng isang matibay na puno na di man lang marunong mamunga. Walang pakinabang sa madaling salita.

"Kung magmamahal ka ulit, wag na wag mo ng paiiyakin. Salamat sa lahat." Huling kataga sa huling mensahe mo.

Alam kong nasa akin ang mali, isa akong gansa na tinuruan mong lumipad habang ikaw naman ay isang agila na kung lumipad ay sintaas ng ulap.

Ngunit sa lahat ng ginawa mong pagtulong at pagturo kung pano lumipad ng matayog, eto ako isang gansang mas gustong gamitin ang paa at kalimutan ang pakpak. Isang imbalido na di marunong mangarap.

Ginusto kong sagutin ang tatlong mensahe mo. Gusto kitang habulin. Gusto kong ibalik sa dati at mangako ng pagbabago.

Ngunit mas pinili ko ang medyas na suutin at pumasok para habulin ang oras ng trabaho. Kumain sa minute burger sa tuwing breaktime at magkape kasama ang bago kong sinisinta.

Lumipas ang tatlong taon hindi ko man lang naramdaman.

Tatlong taon na lumipas ngunit hindi man lang ako nagkalakas ng loob na ireply ka.

Tatlong oras na akong tumitingin sa profile mo. Andaming nyong mga larawan.

Binalikan mo ang mga lugar kung saan tayo bumuo ng napakaraming mga alaala, ngunit ngayon, hindi na ako ang kasama. Napalitan na ang mga alaala nating dalawa.

Ikakasal ka na pala tatlong buwan mula ngayon. Pinindot ko ang message sa profile mo at nakita ko ang tatlong mensahe na binalewala ko noon.

Sa wakas, meron na rin akong lakas ng loob na magreply sa iyo.

"Congrats".

Binasa mo agad.
Isang minuto...
dalawang minuto...
tatlong minuto...

Seen.

Alam kong kahit tuldok di ka na magrereply. Gaya ng pagbabalewala ko sayo noon di na ako aasa pa. Hiling ko lamang ay lumipad ka ng matayog at maging masaya.

Pagbilang ko ng tatlo. 3... 2... 1... Ok na ako.

0 comments :

Mag-post ng isang Komento

Cancel Reply

Hanapan ang Blog na Ito