Pangarap Lang Kita

Pangarap Lang Kita

"Mabuti pa sa lotto
May pag-asang manalo
'Di tulad sayo, imposible
Prinsesa ka, ako'y dukha
Sa TV lang naman kasi may mangyayari
At kahit mahal kita, wala akong magagawa
Tanggap ko 'to aking sinta
Pangarap lang kita"

Nakatitig ako sa'yo habang kinakanta ni Chito Miranda at Yeng ang paborito nating kanta. Di mo ako pansin kahit magkatabi tayo dahil no.1 fan ka ng Parokya ni Edgar dagdagan mo pa ng Yeng Constatino sa entablado, napakasarap titigan ang mga mata mong nagniningning habang sumasabay ka sa kanta.

Naalala ko ng hiniling mo sa akin ito habang kumakain tayo sa Giligans sa seaside sa MOA. Advance birthday celebration mo ito at ako ang pinili mong makasama dahil yung mga tropa natin nasa probinsya. Hiniling mo na mapanood muli ng live ang Parokya ni Edgar, tinawagan mo ako ng araw na iyon at ang sabi mo sunduin kita sa Fairview at gagala tayo sa MOA, natawa ako dahil ang bahay ko ay nasa Muntinlupa. Wala akong magawa dahil nga request mo. Bago mananghali nagpaharurot na ako ng motorsiklo para eksaktong ala-una ng hapon makarating ako sa condo mo. Special request mo na motor ang gamitin ko at hindi si Bumblebee. Habang angkas kita sa gitna ng EDSA naalala ko ang bawat sasakyan na magkacut sa unahan natin ay sinisigawan mo at minumura. Nakakatuwang balikan ang mga panahon na parang wala tayong ibang iniisip kundi gumala, ikaw tumigil ka ng isang taon sa medisina at ako naman ay dakilang tambay at nag-iisip ng itatayong negosyo.

"Ang hirap maging babae
Kung torpe yung lalaki
Kahit may gusto ka, 'di mo masabi
Hindi ako iyong tipong nagbibigay motibo
Conservative ako kaya 'di maaari
At kahit mahal kita, wala ako magagawa
Tanggap ko oh aking sinta, pangarap lang kita"

Nag-ikot tayo sandali sa MOA at ng magutom diretso na tayo sa Giligans para kumain na paborito nating Sisig with matching Unli-Rice. Ilang beses kitang nahuling nakatitig sa akin habang hawak ko ang celfone ko at kachat ang mga tropa. Iniinggit ko sila na wala sila sa birthday celebration mo. Di ko pinapansin ang mga pasulya-sulyap mo pero ramdam ko may kakaiba ng araw na iyon. Isang dekada na tayong magkakaibigan at tayong dalawa lang ang laging nagkikita nitong nakaraang dalawang taon dahil pareho tayong nasa Manila, kalimitan nakikitulog ako sa condo niyo lalo na pag nalalasing ako sa tuwing napagkakasunduan nating mag-inuman. Bitbit ko lagi ang laptop ko, isasaksak natin sa TV mo and presto! Tagay at movie marathon-- sarap ng buhay. Tumutumba tayo ng isang case ng Red Horse na tayong dalawa lang, kahit naman mga inuman natin sa probinsya laging tayong dalawa ang tira. Dun mo nga inamin sa akin na crush mo ako nung elementary tayo, nawala ng lumipat ako ng paaralan pagdating ng hayskul.

"Kumusta na kayo ni Grace?" pasimple mong tanong habang nilalagyan mo ng hot sauce ang Crispy Sisig.

Ngiti lang ang tugon ko.

"Ibabato ko to sayong hot sauce kapag hindi ka sumagot!" kunwa'y pagalit na tanong mo.

"Hahaha! Ok naman kami, pinuntahan ko siya last week sa Pasig then nagdinner sa Antipolo sa may Sumulong dun sa kita ang buong view ng Metro Manila." Mahaba kong paliwanag sayo.

"Saan naman kayo pumunta after?" mabilis mong tanong na ngingiti-ngiti.

"Kailangan pa bang itanong yan?" At sabay na tayong nagtawanan.


"At kahit mahal kita (minamahal kita)
Wala akong magagawa (walang magagawa)
Tanggap ko oh aking sinta, pangarap lang kita"

Diretso tayo sa seaside ng MOA naglalakad-lakad at umupo sa sea wall. Papadilim na rin ngunit aninag ko sa mga mata mo ang lungkot. Tinanong kita agad kung ano ang problema, simpleng iling lang ang tugon mo sa tanong ko. Di na rin ako nangulit baka ayaw mong pag-usapan ang tungkol dito. Tahimik lang nating pinapanood ang mga yateng dumadaan, ang paulit-ulit na paghampas ng alon sa batuhan, at mangilan-ngilang ibong lumilipad na naghahanap na ng kanilang madadapuan. Kahalintulad tayo ng mga ibon, malaya pero di pa alam ang patutunguhan. Mga yateng naglalayag na kahit madilim ang daan sa pupuntahang destinasyon ay patuloy pa rin sa pag-andar. At ang mga buhay natin na sumasabay lamang sa alon, para tayong mga kahoy na palutang-lutang sa dagat kung nasaan ang pampang doon tayo dadalhin ng alon. Ganun ang gulong ng kapalaran natin noon we're both 26 that time pero wala pa rin direksyon ang buhay. "Go with the flow." ika nga ng karamihan.

"At kahit mahal kita
Wala akong magagawa
Tanggap ko oh aking sinta
Pangarap lang kita"

Pasado alas-diyes na tayo nakarating sa bahay nyo, may binili na rin tayong alak sa daan at chichirya. Same old routine movie and tagay. Kinabukasan ay kaarawan mo na. Siguradong matutuwa ka sa hinanda kong sorpresa para sayo. Nagulat ako dahil ambilis mong malasing ng gabing iyon, sobra mo ng daldal at tumitili ka pa kapag naghahalikan ang dalawang bida sa palabas. Pagsapit ng alas dose binati kita at nagpapasalamat ka, niyakap mo akong mahigpit na hindi mo naman dating ginagawa. Naramdaman ko na lang ang pagyugyog ng mga balikat mo at mahinang pagtangis. Niyakap na rin kita habang hinahagod ko ang likod mo. Ilang minuto rin kitang hinayaang sa ganoung posisyon, nakaupo sa sahig habang magkayakap tayo. Hinintay kitang magsalita pero walang namutawi sa bibig mo. Di katagalan tumayo ka na rin dumiretso sa banyo at paglabas mo'y nakatapis ka na lang ng tuwalya.

"Matutulog na ako patayin mo na lang ang tv ha." Kakaiba sa pandinig ko ang himig na pagkakadeliver mo ng mga salitang yun, ngunit di ko ito binigyan ng pinansin. Dito ako natutulog sa sala at ikaw naman ay sa kwarto. After kong magtoothbrush at maghalf-bath dumiretso na ako sa sofa para mahiga ngunit napansin kong naka-awang ang pinto mo kaya tumayo ulit ako at sinaraduhan ng dahan-dahan. Maaga akong nagising kinabukasan, nalinis ko na ang kalat natin kagabi at naghanda ako ng almusal itlog at sinangag.

Kinatok kita sa pinto. " Best, kain na tayo. bumangon ka na diyan birthday mo pa naman dapat maaga kang gumising."

"Mamaya pa ako, pakisarado na lang ang pinto sa bahay pag-alis mo" mahina mong ani.

Balak ko sanang gabi na umuwi para samahan sana siya sa kanyang kaarawan ngunit wala yata syang balak gumala at gusto lang magmukmok sa kwarto. Hinayaan ko na lang. Bago ako umalis iniwan ko ang dalawang ticket para sa Inuman Session Vol. 2 ng Parokya Ni Edgar katabi ng sinangag at itlog. Nabili ko ito sa isang seller sa Sulit.com isang linggo na ang nakalipas dahil sa pareho ngang paborito naming dalawa ang banda. At plano ko talagang iregalo sayo to sa kaarawan mo. Marahan kong sinaraduhan ang pinto at tuluyan ng umalis sa kanyang condo. Alam kong matutuwa siya mamaya.

"At kahit mahal kita (minamahal kita)
Wala akong magagawa (walang magagawa)
Tanggap ko oh aking sinta
Pangarap lang kita, pangarap lang kita
Pangarap lang kita"

Bago matapos ang kanta nagtayuan ang mga tao palakpakan at sigawan. Niyakap mo akong muli sa ikalawang pagkakataon at nagpasalamat ng sobra sobra. Matagal na rin akong may pagtingin sayo. Pero alam kong hindi ikaw ang tipong babaeng lolokohin ko. Nang mga panahon na yun wala pa akong balak pumasok sa isang seryosong relasyon at nangako tayo sa isa't isa limang taon na ang nakakaraan. "Walang taluhan ng tropa." Apat na salita ngunit ginawa kong panata sa pagkakaibigan nating dalawa. After ng mini-concert na yun, hindi na tayo nagkikita ng madalas. Nakakuha na ako ng partner sa negosyo at ikaw naman ay nagpatuloy na sa pag-aaral ng medisina. Masayang balikan ang nakaraan lalo na yung nakaraang nating dalawa. Tropa tayo forever. Doktora ka na at may boyfriend na din, ako eto dati pa rin. Kailan kaya ulit natin mararanasan ang mga panahong walang patutunguhan kundi lumipad at sumabay sa alon ng buhay. Salamat kaibigan sa mga ala-ala.

0 comments :

Mag-post ng isang Komento

Cancel Reply

Hanapan ang Blog na Ito