Isa Ka Lang Bang Panaginip?

Sa aking pag-iisa
Dumating ka ng bigla
Tumigil ang relo
Huminto ang mundo

Walang naglakas-loob na gumalaw
Maging ang mga dahon , tumigil sa pagsayaw
Ikaw at ako, masayang naghabulan
Parang mga batang naglaro ng walang kapaguran

Mga labing malayang nakakapanagpo
Nagbibigay kulay sa mundong nakahinto
Mga talop na katawan na masayang naglalambingan
Walang pakialam sa kung anuman ang kahantungan

Ngunit sa pagsulyap ko sa dingding
Gumalaw ang kamay ng orasan
Hudyat ng pagbabalik ng ikot ng buhay
Mga dahon na muling nagsayawang walang humpay

Nang kita’y lingunin
Nawala ka sa paningin
Inaasahang nakangiting mukha mo ang bubungad
Basang unan ang nalantad

Bumalik sa reyalidad
Muling nabingi sa ingay ng lungsod
Sa muling pag-iisa, isip ay may nahagip
Isa ka lang bang Panaginip?

0 comments :

Hanapan ang Blog na Ito